SINIBAK ng Quezon City People’s Law Enforcement Board (PLEB) ang isang pulis dahil sa grave misconduct at habang sinuspinde naman ang isa pa para sa mas mababang kaso ng grave misconduct, kamakailan.
Sa walong pahinang desisyon, sinibak ng PLEB District V ng Quezon City sa serbisyo si PO1 Michael Gragasin makaraang mapatunayan sa kasong grave misconduct dahil sa robbery extortion.
Napatunayan din ng PLEB na guilty si PO2 Alex Chocowen sa mas mababang kaso ng grave misconduct dahil sa tangkang pangingikil kaya sinuspinde ito ng 51 araw.
Nag-ugat ang kaso nina Gragasin at Chocowen dahil sa reklamo ni Rissa Natividad na kinikilan umano ng P30,000 ni Gagasin kapalit ng agarang pagpapalaya sa kapatid nitong si Mark Torres na inaresto ng mga awtoridad bunsod ng kinasasangkutang kaso noong sa Quezon City noong Agosto 16, 2020.
Desperado si Natividad na mapalaya ang kapatid kaya ibinigay ang nasabing halaga kay Gagasin sa loob mismo ng Masambong Police Station 2 ng Quezon City Police District (QCPD).
Habang hinihintay naman niya ang pagdating ni Gagasin sa nasabing himpilan ng pulisya sa sumunod na araw, nilapitan umano siya ni Chocowen at sinabing magbigay ng P3,000 upang hindi na ito dumalo sa court hearing sabay tanong sa babae kung magpapainom ito. (JOEL O. AMONGO)
