NADISKUBRE ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ketchup at mayonnaise containers ang tinatayang nasa 20.5 kilo ng crystal meth o shabu makaraang madakip ang dalawang hinihinalang kasabwat ng isang bigtime drug syndicate, sa isinagawang anti-narcotics operation sa Barangay Santo Domingo, Quezon City nitong madaling araw ng Miyerkoles.
Tinatayang nasa P142.8 milyong halaga ng hinihinalang shabu na itinago sa mga lalagyan ng mayonnaise at ketchup ang nasamsam ng mga tauhan ng PDEA-Special Enforcement Service, katuwang ang PDEA Regional Office, at Philippine National Police Drug Enforcement Group.
Naaresto ang dalawang high-value target habang nagbebenta ng 500 gramo ng hinihinalang shabu sa isang PDEA agent na umaktong buyer.
Sa isinagawang inspeksyon sa ginamit na van ng mga suspek at sa mga gamit nila, nadiskubre ng mga awtoridad ang 20.5 kilo ng shabu na nakatago sa mga lalagyan ng mayonnaise at ketchup.
“It’s impossible that there are only two people working behind this. It seems that they have other accomplices,” ayon kay PDEA spokesperson Joseph Frederick Calulut.
Naniniwala si Atty Calulut na bahagi lamang ang dalawang naaresto ng isang mas malaking grupo matapos na malantad ang bagong modus sa pagtatago ng droga.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang dalawang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(JESSE RUIZ)
105 