1 PANG BANGKAY NATAGPUAN SA HIGHWAY SA QUEZON

QUEZON – Isa na namang bangkay ng hindi pa kilalang lalaki ang natagpuan sa gilid ng highway sa bayan ng Pagbilao sa lalawigang ito, nitong Sabado ng umaga.

Batay sa ulat ng Pabilao PNP, dakong alas-7:40 ng umaga nang madiskubre ang bangkay sa gilid ng Maharlika highway sa Sitio Sapinit, Brgy. Silangang Malicboy.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng mga awtoriad, natuklasan na may sugat ito sa ulo na hinihinalang tama ng bala ng baril. Subalit wala namang mga basyo ng bala na natapuan sa lugar.

Ayon sa mga imbestigador, posibleng itinapon lamang sa lugar ang bangkay.

Tinatayang nasa edad 45 hanggang 50-anyos ang biktima at nakasuot ng gray t-shirt at itim na pantalon.

Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ang pagkakakilanlan ng biktima.

Ito na ang ikatlong bangkay na nadiskubre sa gilid ng mga highway sa lalawigan ng Quezon sa loob ng isang linggo. (NILOU DEL CARMEN)

239

Related posts

Leave a Comment