1 PATAY, 1 SUGATAN SA AWAY SA VIDEOKE

CAVITE – Patay ang isang lalaki habang sugatan ang pinsan nito nang mauwi sa pananaksak ang pagtatalo hinggil sa nakabubulahaw na videoke matapos sitahin ng Bantay Bayan sa Gen. Trias City noong Lunes ng gabi.

Isinugod sa General Trias Medical Center ang mga biktimang sina James Bryan Luna y Sumpay, 34, at Aldrin Toribio y Sumpay, 19, subalit namatay habang nilalapatan ng lunas si Luna dahil sa saksak sa tagiliran.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si alyas “Johnson”, isang Bantay Bayan ng Brgy. Santiago, Gen.Trias City, na tumakas matapos ang insidente.

Napag-alaman, nag-iinuman ang magpinsan at ilang kasama nila sa Brgy. Santiago, Gen. Trias City nang dumating ang suspek at sinita ang mga ito dahil sa malakas na videoke at nakabubulahaw umano sa mga residente sa nasabing subdibisyon bandang alas-11:00 ng gabi.

Subalit imbes na sumunod sa Bantay Bayan, pumalag ang mga biktima na humantong sa mainitang pagtatalo at umano’y tinangkang atakehin ng dalawa ang suspek kaya nagkaroon ng labo-labo hanggang sa nasaksak sa tagiliran si Luna habang sa likod at leeg naman si Toribio.

Matapos ang insidente, isinugod ang dalawa sa ospital subalit namatay habang nilalapatan ng lunas si Luna habang tinutugis naman ang tumakas na Bantay Bayan. (SIGFRED ADSUARA)

302

Related posts

Leave a Comment