PLANONG bumili ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng long-range drones na gagamitin sa pagpapatrolya sa karagatan ng bansa bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga.
Sa isang briefing sa Calapan City sa Oriental Mindoro, sinabi ni SILG Jonvic Remulla na mas epektibo at mas mura ang paggamit ng drones kumpara sa tradisyunal na helicopter at speedboat sa pagharang sa mga hinihinalang drug shipment.
Ayon kay Remulla, may kakayahan ang mga drone na makipag-ugnayan sa mga barko sa pamamagitan ng radyo. Kapag hindi nagpakilala ang mga ito, agad na ipaaalam ang insidente sa Philippine Coast Guard at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Ang hakbang ay kasunod ng pagkakaaresto sa dalawang Chinese national at dalawang Pilipino matapos masabat ang tinatayang P6 bilyong halaga ng shabu mula sa isang speedboat na sumadsad sa baybayin ng Paluan sa Occidental Mindoro.
Ayon sa kalihim, posibleng sangkot ang isang international drug syndicate na gumagamit ng malalaking barko sa laot upang ihulog ang droga sa mas maliliit na bangka na magdadala nito sa mainland.
Magmumula ang pondo sa pagbili ng mga drone mula sa $10 milyong insurance proceeds ng dalawang police helicopters na bumagsak.
Dagdag pa ni Remulla, gagamitin din ang mga drone na may light detection and ranging (LiDAR) technology upang tumulong sa paghahanap ng mga high-profile target.
(JESSE RUIZ)
136 