BATANGAS – Isa ang patay habang tatlo ang sugatan matapos salpukin ng kotseng minamaneho ng lasing ang kasalubong na motorsiklo na tumama naman sa isa pang motorsiklo sa national highway, sa Barangay Pinagtung-ulan, bayan ng San Jose, Linggo ng gabi.
Batay sa report ng San Jose Police, nag-overtake sa sinusundang sasakyan ang kotseng Honda Civic na minamaneho ng lasing na si Mark Kenneth Adami, 26-anyos, kaya nahagip nito ang kasalubong na motorsiklo na minamaneho ng 31-anyos na si Michael Fabellon, construction worker.
Sa lakas ng pagkakabangga, nawala sa kontrol ang motorsiklo at tumama sa kasunod nitong motorsiklo na minamaneho ng kasama at katrabaho nito na si Kenneth Francisco, 23-anyos.
Nagdulot ang insidente ng grabeng pinsala sa ulo at katawan ng biktimang si Fabellon at naputol ang kaliwang paa.
Nalagutan ng hininga si Fabellon bago pa madala sa Metro San Jose Medical Center.
Sugatan din ang backrider nito na si John Kelvin Francisco, 18, at ang driver ng nahagip na motorsiklo ni Kenneth at backrider nito na si Gulebee Fabellon, 31-anyos.
Naaresto naman ng mga awtoridad ang driver ng kotse na sasampahan ng kaukulang kaso. (NILOU DEL CARMEN)
