1 PATAY, 3 SUGATAN SA SUNOG SA QC

PATAY ang 21-anyos na dalaga habang bahagyang nalapnos naman ang tatlo pa nitong kapamilya makaraang magliyab ang inuupahan nilang bahay noong Martes ng madaling araw sa Brgy. San Agustin, Quezon City.

Kinilala ang biktimang si Melanie Escomo Trinidad, 21, habang dumanas ng 2nd degree burns ang mga kapamilya niyang sina Belen Trinidad, 49; Sunday Ariza, 32, at Luzviminda Trinidad, 47, pawang nangungupahan sa L11, B16, Joselito St., Greenfield 3 Subd., Brgy. San Agustin, Quezon City.

Ayon sa report ng Quezon City Bureau of Fire Protection (BFP), nangyari ang insidente bandang alas-2:05 ng madaling araw noong Nobyembre 2 sa inuupahang bahay mga biktima na pag-aari ng isang Nestor Braga.

Nabatid sa ulat ni Senior Inspector Rowena Mamangun, agad namang naapula ang apoy bandang alas-2:37 ng madaling araw at hindi na kumalat pa sa katabing mga kabahayan.

Tinatayang umabot sa P750,000 halaga ng mga ari-arian ang natupok sa nasabing insidente.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ni SFO2 Mary Ann Mostacisa, nagsimula ang apoy sa kisame ng bahay na hinihinalang dahil sa faulty electrical wiring. (LILY REYES)

167

Related posts

Leave a Comment