MAGKATUWANG na tinutugis ng Armed Forces of the Philippine at Philippine National Police ang grupong responsable sa pagpapasabog ng cellphone detonated improvised explosive device na ikinamatay ng isang lalaki at ikinasugat ng pitong iba pa noong Sabado ng hapon sa Barangay Poblacion sa Datu Piang.
Ayon kay Lt. Col. John Paul Baldomar, spokesman ng 6th Infantry Division, nangyari ang pagsabog bandang alas-3:39 ng hapon sa covered court ng Poblacion Datu Piang sa kasagsagan ng volleyball match.
“It was confirmed na IED ‘yung nilagay, component na na-recover ng ating mga EOD (Explosive Ordnance Division) sa area, sa post blast investigation are black powder, so black powder ‘yung charge na ginamit nila, and then command detonated siya,” ani Baldomar.
Signature bomb umano ito o laging ginagamit sa Maguindanao ng mga teroristang grupo, kabilang ang Bangsamo Islamic Freedom Fighters at Daulah Islamiya bagama’t wala pang umaaming grupo sa pagpapasabog.
Tatlong anggulo ang tinitingnan ng militar at pulisya, unang-una ay posibleng gawa ito ng BIFF o Daulah Islamiyah na nagsasagawa ng diversionary attack dahil ongoing ang combat operation laban sa mga ito.
“Medyo naiipit sila at nasasaktan kasi dumadami na talaga ang nagsusurender sa kanila so parang dina-divert nila ‘yung focus ng military ngayon, another na motive na tinitingnan ng mga awtoridad ay Islamic extremism, galit sa hanay ng mga LGBT dahil sa may threats umano silang natanggap. Parang ganun, ‘pag hindi sila magbago, bawal daw sa religion natin ‘yung ginagawa n’yo, ‘pag hindi kayo nagbago mananagot kayo, parang ganun ang tono, pero hindi nila alam kung sino ang nagpadala ng threat na ‘yun. Pero isa ‘yun sa anggulo na tinitingnan natin, ang last na anggulo natin is political,” ayon sa opisyal.
Kinilala ang namatay na biktimang si Norodin S. Musa, 21, habang sugatan naman sina Fahad A. Tato, 22; Samsudin D. Kadtugan, 21; Benzar Macogay, 24; Amid B. Miparanun, 19; Carlo Mobpon, 25; Tukoy Abo, 13, at Mohamad Wanti, 29-anyos.
Samantala, ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Lorenzo Eleazar sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region na magsagawa ng malalimang imbestigasyon para matukoy ang suspek o grupo sa likod ng pagpapasabog kasabay nang pagpapaigting ng seguridad sa kanilang nasasakupan.
“Inatasan ko na ang RD, PRO BAR na makipagtulungan sa local military forces, hindi lamang sa pagsasagawa ng manhunt sa mga taong responsable dito, kundi pati na rin sa pagpapaigting ng seguridad sa Maguindanao at ilang mga lugar kung saan maaaring mangyari ang ganitong klaseng karahasan,” ani P/Gen. Eleazar.
“Nanawagan din tayo sa ating mga kababayan na patuloy na makipagtulungan sa inyong kapulisan dahil ang inyong pakikiisa ay isang mabisang sandata upang hindi mabigyan ng pagkakataon ang mga tao at grupo na maghasik ng karahasan sa ating bayan,” dagdag pa PNP chief. (JESSE KABEL)
