1 PATAY, 7 SUGATAN SA SUMAMBULAT NA WATER TANK

CAMP GEN ALEJO S SANTOS, City of Malolos, Bulacan — Patay ang water pump operator habang pito ang sugatan nang sumabog ang isang water tank facility sa Barangay Bagumbayan, Bulakan noong Sabado ng umaga.

Sa report na tinanggap ni PCol Rommel Ochave, Acting Provincial Director ng Bulacan PNP, kinilala ang nasawi na si Paul Ryan Mangio, residente ng Barangay Bambang ng nasabing bayan.
Sugatan naman sina  Eduardo Carpio, tubero; Ricardo Sulit, isa ring pump operator, mga residente ng Barangay Bambang; Milagros Mila Tionloc at Jennifer Esteban, kapwa client account representatives;  Joselito Esteban, checker;  Jomar Esteban, driver; at isang nakilala sa alyas “Regine”, helper, pawang mga residente naman ng Barangay Bagumbayan.

Base sa inisyal na report, ang “vaulted tank” ng Bulakan Water Company Warehouse ay aksidenteng sumabog bandang alas-6:45 ng umaga.

Maging ang mga nakaparadang tricycle at close van ay tinangay ng rumagasang tubig mula sa tangke papunta sa ilog. Ang biktimang si Mangio ay nadaganan umano ng inanod na sasakyan kaya nalunod.

Inaalam pa ng pulisya ang dahilan ng pagsabog. (ELOISA SILVERIO)

235

Related posts

Leave a Comment