RIZAL – Dead on arrival ang isang motorcycle rider matapos magkarambola ang tatlong motorsiklo sa kahabaan ng Manila East Road, Sitio Bulacan 1, Brgy. Bagumbayan sa bayan ng Pililla dakong alas-7 ng umaga noong Pebrero 27, 2025.
Kinilala ni PCol. Felipe Maraggun, provincial director ng Rizal PNP, ang mga sangkot sa insidente na sina Jessie Masarap, 43, angkas nitong security guard din ng Pililla Wind Power Corporation na si Arvin Ocab, 31; at maglive-in partner na sina Michael Babehis, 40, at Lynn Baldemoro, 37, ng Caloocan City.
Samantala, kinilala naman ang namatay na biktimang si alyas “Jorel,” 23, nakatira sa Brgy. Malaya, Pililla, Rizal.
Ayon sa ulat, magka-angkas sa Kawasaki Barako (BC175J) ang dalawang security guard patungo sa trabaho at kasunod naman nila si alyas “Jorel” na nakasakay sa Rusi motorcycle nito na may temporary plate number 040110.
Sinabi sa ulat na nag-signal light ang Kawasaki Barako pakaliwa ngunit nasagi ito ng kasunod na Rusi motorcycle hanggang sa lumipat ang huli ng linya at bumangga sa kasalubong nito na sina Babehis at Baldemoro na sakay ng Yamaha Aerox (N664CQ) na ang direksyon ay patungong Laguna.
Masuwerteng hindi nasugatan sina Masarap at Ocab habang nagkaroon ng minor injuries ang mag-live-in partner na sina Babehis at Baldemoro.
Isinugod naman si alyas “Jorel” sa Rizal Provincial Hospital System sa bayan ng Morong ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa malubhang pinsala sa katawan. (NEP CASTILLO)
