UPANG maresolba ang isyu, nagbigay na ng sampung araw na taning si DILG Secretary Jonvic Remulla upang sundin ng magpinsang Urdaneta City Mayor Julio ‘Rammy ” Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno ang isang taong suspension order na iginawad sa kanila ng Malakanyang kaugnay ng kasong grave abuse of authority at grave misconduct na pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong January 3,2025.
Sa media interview, sinabi ni Secretary Remulla na sa loob ng sampung araw ay malulutas na ang naturang usapin.
Nakarating sa DILG na kahit naisilbi ng DILG Region 1 ang suspension order ng mga Parayno noong January 7, bago pa man ang election period noong January 12 ay hindi pa rin umaalis ang magpinsan sa puwesto at patuloy na pumapasok sa kanilang opisina.
Sinabi ni Secretary Remulla, naimpormahan na ng DILG ang Commission on Audit, Land Bank at lahat ng ahensya na legally ay hindi na maaaring pumirma ang mga Parayno. Ito ay sa kabila ng ulat na nakarating sa DILG na tuloy pa rin ang pagpirma ng mga Parayno sa mga transaksyon sa kanilang mga opisina kahit suspended na ang mga ito.
Dahil sa pagmamatigas ng mga Parayno, takot at hindi makasampa bilang acting mayor at acting vice mayor sina first Councilor Franco del Prado at 2nd Councilor Warren Andrada.
Nabatid na sina del Prado at Andrada ay inatasan na ng DILG kamakailan na pansamantalang pumalit sa puwesto ng mga Parayno habang suspendido ang mga ito.
Matatandaang sinuspinde ng isang taon ang mga Parayno makaraang mapatunayang guilty sa kasong grave abuse of authority at grave misconduct nang ilegal na alisin si Punong Barangay Michael Brian Perez bilang angulo ng Liga ng mga Barangay noong 2022.
(PAOLO SANTOS)
