MARIING tiniyak ng Department of Agrarian Reform (DAR) na mas mapadadali na ang pagsasaka ng mga kasapi ng Pacheco Agrarian Reform Cooperative (PAR-C) matapos silang pagkalooban ng DAR sa ilalim ng direktiba ni Secretary Conrado M. Estrella III, ng bagong 50-horsepower heavy tractor na may kasamang mga kagamitan.
Bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng DAR na tulungan ang agrarian reform beneficiaries na gawing mas makabago, mas episyente, at mas produktibo ang kanilang pagsasaka upang mapataas ang kanilang kita.
Kaugnay nito, sinabi kamakailan ni Sec. Estrella III na ang pagbibigay ng mga makabagong kagamitang pansaka ay isa sa mga paraan ng ahensya upang mahikayat ang mga magsasaka na patuloy na magtrabaho sa agrikultura habang ginagawang mas madali at magaan ang kanilang gawain sa bukid.
“Layunin namin ang pagaanin ang pagsasaka at gawin itong kaaya-aya upang buhayin ang interes ng mga magsasaka at panatilihin silang masigasig sa pagtatrabaho habang tumutulong naman silang ibangon muli ang ating industriya ng agrikultura,” ani Estrella
“Ito ang ating simpleng paraan upang tulungan ang ating mga magsasaka dahil kapag nagsipag sila sa pagsasaka, lalaki ang kanilang kita, at ang makikinabang dito nang husto ay ang ating pangkanayunang ekonomiya,” aniya.
Kaugnay nito, pinasalamatan naman ni Ernie Somogod, pangulo ng PAR-C, ang DAR para sa regalo nitong bagong heavy tractor sa kanilang grupo, na aniya ay malaking tulong upang ang pagsasaka ay maging magaan at kaaya-aya.
Ang naturang samahan ng mga magsasaka ay nakinabang din sa solar-powered irrigation system na ipinagawa ng DAR para sa kanila. Nakatulong ito nang malaki upang makapagsaka sila nang walang humpay sa buong taon.
Binigyang-diin ni Director III at DAR-Cavite provincial agrarian reform program officer James Arthur Dubongco, na ang paggamit ng heavy tractor ay hindi lamang para sa mga kasapi ng PAR-C, kundi maging para sa mga hindi kasaping magsasaka.
(PAOLO SANTOS)
113 