MAY 30 pang kilo ng shabu ang nakuha ng mga tauhan ng Philippine Army 2nd Infantry Division kasunod ng pahayag na hawak na ngayon ng 76th Infantry (Victrix) Battalion ang dalawang pinaniniwalaang Chinese nationals na nagtangkang tumakas matapos sumadsad ang gamit nilang speedboat na may lulan na tinatayang humigit kumulang sa 900 kilos ng shabu.
Ayon kay 2ID commander, Maj. General Ramon Zagala, kasunod ng inilunsad nilang hot pursuit operation ay nadakip ang dalawang dayuhan, at nasamsam ang karagdagang shabu packs na kaugnay sa 860-kilogram drug haul sa Occidental Mindoro.
Ang panibagong 30 kilo ng shabu ay natagpuan ng mga mangingisda na palutang-lutang malapit sa bisinidad na kinasadlakan ng speedboat na gamit ng dalawang Chinese nationals na nadakip ng mga sundalo
Magugunitang may 43 sako ng shabu na sinasabing tumitimbang ng humigit kumulang sa 867 kilos, ang nakuha ng Philippine Army mula sa sumadsad na speedboat na gamit ng 2 suspek.
Ayon sa 203rd Infantry (Bantay Kapayapaan) Brigade, nagsagawa ng follow-up operation ang 76th Infantry (Victrix) Battalion para malaman pa ang ibang detalye hinggil sa umano’y tangkang pagpuslit ng bulto-bulto ng droga at pagkakadakip sa dalawang pinaniniwalaang hardcore syndicate members.
“Sa initial report mula PDEA, hindi naman sila nagsasalita, alam mo, mga kwan to e, mga rated to e, hindi to basta-bastang mga runner na pinagkakatiwalaan ng tone-tonelada, mga malalalim to, malalaking mga drug dealers talaga ‘to,” ani 203rd Infantry (Bantay Kapayapaan) Brigade Commander Brigadier General Melencio Ragudo.
Batay umano sa inisyal na imbestigasyon na ginamitan ng interpreter, nalaman na ang mga pangalan ng mga nadakip at nabatid na nagmula ang sa Mainland China ang droga.
Inihayag din ni Ragudo na malakihan itong operation na ito ng sindikato at lulan ng malaking barko ang droga at sinasalubong naman ng maliliit na bangka o lantsa sa gitna ng laot.
Nabatid din na may dalawang Filipino mula Nasugbu, Batangas, sakay ng twin-engine rubber boat, na namataang papalapit sa area ang hinuli ng mga sundalo.
Sa salaysay ng dalawa, inupahan lamang sila ng isang tao na kanilang pinaniniwalaan na siyang may-ari ng sumadsad na speedboat, para hanapin at iligtas ang dalawang nawawalang Chinese nationals.
Ayon pa kay Ragudo, kasalukuyang sinusuyod pa ng military ang area sa paniniwalang may mga shabu pang matatagpuan dahil posibleng itinapon ng dalawang banyaga para gumaan ang kanilang lantsa.
“Nalaglag siguro, nung nasira na parang nag-attempt siguro sila na bawasan ‘yung kargo kasi mabigat masyado for the boat,” sabi pa ni Ragudo. (JESSE RUIZ)
131 