NAILIGTAS ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang sampung kababaihan, kabilang ang apat na menor de edad sa isinagawang operasyon laban sa umano’y sex trafficking sa San Pablo City, Laguna.
Isang lalaki ang naaresto sa operasyon at kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI.
Ayon sa NBI, isinagawa ng NBI-Calabarzon Regional Office ang operasyon noong Pebrero 12 sa Barangay Sta. Veronica, San Pablo City.
Lumabas sa imbestigasyon na umano’y ibinibenta ang mga biktima sa halagang P3,000 kapalit ng serbisyong sekswal.
Naglatag ng entrapment operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek. Nahaharap ito sa mga kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act at Special Protection Against Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012. Inihain ang mga reklamo sa San Pablo City Prosecutor’s Office.
Sinabi ng NBI na isinagawa ang operasyon batay sa intelligence report na may isang indibidwal na gumagamit umano ng Facebook account upang mag-alok ng serbisyong sekswal. Sa cyber surveillance, natukoy rin ang isang Facebook group na umano’y nagsisilbing digital platform para sa ilegal na aktibidad.
(CHAI JULIAN)
1
