10 PULIS-ANGONO SWAK SA ‘HULIDAP’

DINIS-ARMAHAN at nasa kustodiya na ng Personnel Holding and Accounting Section (PHAS) ng Rizal Provincial Police Office (Rizal-PPO) ang sampung pulis na nakatalaga sa Angono Municipal Police Station (MPS) dahil sa ‘pekeng’ drug arrest at hulidap.

Sa isinagawang press conference dakong alas-10 ng gabi noong Martes, Pebrero 10, 2026, sinabi ni PCol. Eleazar Barber Jr., provincial director ng Rizal PPO, haharap sa kasong administratibo ang nasabing mga alagad ng batas.

Nag-ugat ang nasabing kaso sa isang insidente na naganap noong Nobyembre 10, 2025 kung saan nagsagawa ng isang drug buy-bust operation ang mga awtoridad at nadamay lamang ang biktima na isang criminology student.

Sa imbestigasyon ng National Police Commission (Napolcom), nakita sa CCTV na may inaresto nang dalawang suspek sa ilegal na droga at ilang minuto lang ay hinuli rin nila ang biktima na napadaan lang sa lugar sakay ng kanyang motorsiklo.

Tugma naman ito sa salaysay ng biktimang si Nestor Makabenta Jr., at sinabing pinalabas umano ng mga pulis na nahuli siya sa isang buy-bust operation dakong alas-10 ng gabi.

Ayon naman kay Napolcom Vice-Chairperson and Executive Officer (VCEO) Rafael Calinisan, may pruweba umano si Makabenta sa mga akusasyon nito dahil sapul din sa CCTV ang pagharang sa kanya ng mga nakadamit-sibilyang mga operatiba at pilit na isinasakay siya sa isang sasakyan.

Sa loob ng sasakyan, nakita niya ang dalawang naunang suspek na nahuli at pinilit umano siyang paaminin na siya ang nagsusuplay ng ilegal na droga sa dalawa ngunit mariin niya itong itinanggi.

Sinaktan umano siya ng mga pulis at upang matapos na ang pang-aabuso sa kanya, napilitan na lamang umano siyang aminin ang akusasyon.

Kasabay nito, kinuha umano sa kanya ang isang gold ring na regalo ng kanyang namayapang ina at hiningian din siya ng P50,000 na ipadadala sa GCash.

Matapos ang dalawang buwan, ibinasura ng piskalya ang kasong kriminal laban sa biktima dahil sa hindi matibay at mali-maling salaysay ng mga pulis kumpara sa CCTV footages na tugma naman sa testimonya ng mga barangay tanod.

Idinagdag pa ng Rizal PPO, magsasagawa rin sila ng parallel fact-finding na may koordinasyon sa Napolcom upang malaman ang katotohanan at kung ano ang pananagutan ng bawat isa sa mga sangkot sa kaso.

(NEP CASTILLO)

3

Related posts

Leave a Comment