KAPAG GINAWANG CONTENT ANG KAPANSANAN

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

ISANG lalaki ang nakapila sa priority lane ng ticket station sa LRT-1. Habang papalapit siya sa counter, kapansin-pansin ang kanyang paglakad na tila pilay. Para bang hirap siyang igalaw ang isang paa. Ngunit pagkapasok niya sa gate ng istasyon, tila nawala ang pagkapilay at diretso na siyang naglakad papunta sa platform.

Ang video ay unang kumalat sa TikTok mula sa account na gumagamit ng pangalang @naughty.perry. Ayon sa mga nakakakilala kung saan nangyari ang lugar na ito, ang insidente ay nangyari sa Monumento Station. Hindi lang iyon ang naging dahilan ng galit ng mga netizen. May nagsabi rin na ibinahagi ng parehong may-ari ng content sa Threads ang video na may caption na “people with this ability.” Para bang ipinakita ito bilang isang nakatatawang diskarte.

Doon ako lalong napaisip. Kailan naging “hack” ang pagpapanggap na may kapansanan?

Ang priority lane ay hindi ginawa para sa mga taong nagmamadali lang. Nariyan ito para sa mga pasaherong may tunay na pangangailangan, tulad ng mga senior citizen, buntis, at mga taong may kapansanan.

Sa araw-araw na biyahe, hindi madali para sa marami sa kanila ang tumayo nang matagal sa pila. Ang ilan ay hirap sa paglalakad. Ang iba naman ay madaling mapagod o makaramdam ng sakit kapag matagal na nakatayo. Kaya may mga hiwalay na linya sa mga istasyon upang mabigyan sila ng mas maayos at mas ligtas na paraan ng pagpasok sa tren.

Malinaw rin ang patakaran ng Light Rail Transit Authority tungkol dito. Ang priority lane ay para sa mga taong tunay na nangangailangan ng tulong. Hindi ito simpleng pabor o shortcut para sa sinomang gustong umiwas sa mahabang pila.

Ang nakalulungkot, may mga tao pa ring kayang gawing biro ang ganitong bagay. Sa halip na mahiya, may mga gumagawa pa nito bilang content sa social media. Mas mahalaga ang views at reactions kaysa respeto sa kapwa.

Mas masakit isipin na hindi alam ng lahat na may ilang kapansanan na hindi agad nakikita. May mga taong may iniindang sakit na hindi halata sa panlabas. May mga kondisyon sa katawan na hindi kailangan ng wheelchair o tungkod pero tunay na nagpapahirap sa kanilang kumilos.

Kapag may nagpapanggap na pilay para lang makasingit sa pila, nadaragdagan ang pagdududa ng iba sa mga taong may hindi nakikitang kapansanan. Sa huli, ang mga tunay na nangangailangan ang nagiging biktima ng paghusga.

Mabilis kumalat ang ganitong klaseng video sa mga platform tulad ng X. Marami ang nagalit at naglabas ng kanilang opinyon. Hindi dahil sa simpleng paglabag sa pila, kundi dahil malinaw na ginawang biro ang isang seryosong sitwasyon.

Para sa akin, hindi ito usapin ng pagiging istrikto sa mga patakaran. Usapin ito ng respeto.

May mga bagay na hindi dapat gawing biro, lalo na kung may kinalaman sa mga taong araw-araw na nakikipaglaban sa pisikal na limitasyon.

Ang pila sa priority lane ay maliit na bagay lamang sa karamihan sa atin. Ngunit para sa mga taong tunay na nangangailangan nito, malaking tulong iyon sa kanilang araw-araw na biyahe. Kaya kapag may taong nagpapanggap na may kapansanan para lang mapabilis ang sarili niyang lakad, hindi iyon diskarte. Isa itong malinaw na kawalan ng malasakit sa kapwa.

90

Related posts

Leave a Comment