Balitang ‘di Kanais-nais
MAY nakarating na “Marites” sa Balitang ‘Di Kanais-nais mula sa informant ng pitak na ito, na plano ng grupong Sindikato ng Media sa loob ng House of Representatives, na magkaroon ng isang Team Building na binubuo ng house accredited media, sa madaling salita bultuhan. Wow! Super dami n’yan, tila mahigit sa 100.
Ayon sa source, ang binabalak na team building ng Media Syndicate sa HOR ay hindi para sa buong Accredited Media kundi sa mangilan-ngilang reporter na ang nais ay mangolekta ng budget para sa planong outing, siyempre ang grupong magtutungo sa mga tanggapan ng mga congressman ay isasangkalan ang buong samahan para sa malaking halaga na ibibigay.
Sinabi pa ng source na ang plano na sakaling makakolekta ng paldo ay itutuloy ang outing pero sila-sila lang at sila-sila rin ang magpaparte-parte ng na-solicit sa mga congressman.
Kaya ang pitak na ito ay nais na bigyang babala ang mga congressman, partikular ang tanggapan ni Speaker Bojie Dy, sa planong outing ng Sindikato ng Media sa HOR, na hindi pangkalahatan bagkus ay iilan lang.
Speaker Dy Sir, at sa mga congressman at congresswoman, ang alibi ng lalapit sa inyong grupo ng mga reporter ay hinggil sa nalalapit na Lenten season kung kaya’t nagpaplano sila ng Team Building para na rin magkaroon ng mas malalim na samahan.
Sinabi pa ng source ng Balitang ‘Di Kanais-nais na nitong nagdaang Christmas season ay nagkaroon ng party at maraming accredited media ang nasa listahan subalit hindi imbitado, sa madaling salita bukol.
Ang linaw sa ipinakalat nilang solicitation letter na kabilang ang lahat ng accredited media mula Print, Radio, Online at iba pa sa mga kasali sa gagawing Christmas Party subalit hindi ito nangyari.
Muli, Speaker Bojie Dy, ang pagbubulgar ng pitak na ito ay para na rin sa iyong kapakanan, inaabuso ang iyong kabaitan ng ilang media na mapagsamantala, nasa bakuran mo ang lider nila.
Sakali namang mapapayag ka sa kanilang plano ay pwede na sigurong tawagin kang kunsintidor? (CB)
103 