100% FULLY VACCINATED NA SA NCR SA PEB. 2022

HALOS lahat ng target recipients ng COVID-19 vaccines sa National Capital Region (NCR) ay magiging fully vaccinated na sa Pebrero sa susunod na taon.

Batay sa ulat ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Benhur Abalos kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Talk to the People, Miyerkoles, sinabi nito na base sa kanilang pagtataya ay nagpapakita na 94.62% ng 9.8 million eligible population ang nakatakdang makumpleto ang serye ng pagbabakuna sa Disyembre 1.

Dahil dito, tataas ng 99.46% o 9,747,243 indibidwal pagdating ng Pebrero 1, 2022.

Ang bilang ng fully vaccinated individuals sa NCR ay nananatili sa 87.69% ng populasyon o 8.59 milyon “as of November 1.”

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na “very aggressive” at “very progressive” ang NCR pagdating sa vaccination efforts nito.

“Na-develop na ‘yung tinatawag nating cadence, ‘yung practice nung ating mga mayors. ‘Pag may bakuna alam na nila sino ang babakunahan, ano ang schedule. Nag-increase ng vaccination sites para ma-meet nila ‘yung target,” ani Cabotaje.

Ang pahayag na ito ni Cabotaje, chairperson ng National Vaccination Operations Center, ay tugon na rin sa puwang sa pagitan ng vaccine doses na natanggap ng bansa at naipamamahagi nito.

Aniya, ang pagpapalabas ng dokumento at kahandaan ng lugar na tatanggap ng bakuna ay mga dahilan na nakaapekto sa distribusyon. (CHRISTIAN DALE)

108

Related posts

Leave a Comment