NAKAHANDA ang Philippine National Police (PNP) sa posibleng pagtaas ng krimen sakaling tumagal pa ang krisis sa langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Ito’y kahit iniulat ng PNP na bumaba ng 12.66% ang crime rate mula Enero 1 hanggang Marso 16 ngayong taon.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Randulph Tuaño, posibleng tamaan ang ekonomiya ng bansa sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na maaaring magdulot ng domino effect sa presyo ng mga bilihin.
Babala pa niya, maaaring humantong ito sa pagkawala ng trabaho, gaya ng mga empleyado sa mga gasolinahang posibleng magsara.
Bukod dito, nakaalerto rin ang pulisya sa posibleng pagdami ng scam ngayong may pamamahagi ng ayuda sa mga tsuper, magsasaka at mangingisda.
Dahil dito, iniutos ni PNP chief Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagpapalakas ng police presence sa payout centers ng fuel subsidy upang maiwasan ang kaguluhan.
Sa kasalukuyan, naka-heightened alert na ang hanay ng pulisya laban sa posibleng epekto ng krisis sa Gitnang Silangan.
(TOTO NABAJA)
85 