MAY hawak nang pagkakakilanlan ang PNP Police Regional Office 5 sa labing-isang nasawi kabilang ang isang kagawad ng Philippine Navy, sa malagim na aksidente sa lansangan matapos na araruhin ng truck ang isang UV Express na may sakay na 14 na katao sa bypass road ng Camalig, Albay noong Miyerkoles.
Ayon kay PMaj. Karlo Dy, hepe ng Camalig Municipal Police Station, sa kanyang ulat sa Albay PPO, ang mga nasawi ay kinabibilangan ng apat na lalaki at pitong babae na pawang sakay ng UV Express, kabilang na ang driver nito.
Sa 11 na namatay, anim ang mula sa Nabua, isa ang taga Bula, tatlo ang taga Ligao at isa ang taga Iriga City, ayon kay Dy. Dalawa rito ang menor de edad na kasama ang kanilang lola.
Matinding fracture at head injury ang ikinasawi ng mga biktima dulot ng pagkayupi ng sinasakyan nila.
Galing ng Nabua, Camarines Sur ang sasakyan patungo sa Legazpi City nang salpukin ito ng truck habang papasok sa isang bypass road dahil nawalan umano ito ng preno.
Pagkatapos masalpok, inararo pa ito hanggang sa mahulog sa pangpang ng ilog sa gilid ng highway at dumagan sa maliit na sasakyan.
Umabot ng halos walong oras bago nahugot mula sa crashed site ang mga katawan ng mga biktima. Nahirapan ang mga awtoridad dahil sa tindi ng pagkakayupi ng sasakyan at napapatungan pa ito ng van.
Lahat ng nasawi ay nakuha na ng mga kapamilya kabilang na ang mga gamit at malaking halaga ng pera mula sa isang pasahero.
Ayon umano sa apat na kasamang helper ng driver, pagkatapos nilang magpakarga ng diesel sa bypass road, hindi umano umandar ang truck.
Itinulak nila ito, subalit matapos umandar, hindi na gumana ang preno hanggang tuloy-tuloy na itong bumulusok at bumangga.
“Hindi na nag-engage ‘yung brake niya as per driver na nasa hospital,” paliwanag ni Dy.
Wala pang naisasampang kaso laban sa driver dahil hinihintay muna ang mga kapamilya, pero tiniyak ng pulisya na patong-patong na kaso ang kakaharapin nito.
(JESSE RUIZ)
3
