SWAK sa hoyo ang 11 sabungero na nabulagang nag-o-online sabong sa mga lungsod ng Malabon at Caloocan.
Tiklo nang inguso noong Martes ng hapon ng Barangay Intelligence Network (BIN) ng Barangay Tonsuya sa Malabon City sina Emmanuel Patio, 31; Cyrill Samarro, 27; Yaser Varona, 26; Roger Semillano, 56; Roberto Lucahin, 53, at Erehicito Jacutin, 33.
Ayon sa tip, may mga nanonood at tumataya sa online sabong sa Damata Letre, Brgy. Tonsuya at nang salakayin ng mga parak ang nasabing lugar dakong alas-3:40 ng hapon ay nahuli sa akto ang mga suspek na mabilis na inaresto.
Kinumpiska ng mga parak ang isang cellphone na ginamit sa online sabong, at P1,200 tayang salapi.
Samantala, sa karsel din humantong sina Reynaldo Santos, 24; Carlito Garcia, 41; Mark Joseph Sibug, 34; Jefferson Rañoco, 26, at Christopher Sibug, 43, nang masakote matapos isuplong na nag-o-online sabong din sa Tagaytay St., Caloocan City.
Sinalakay ng mga awtoridad ang itinurong lugar bandang alas-9:40 ng gabi at dinamba ang lima matapos na isang operatiba na nagpanggap na sabungero, ang nakataya.
Sinamsam sa mga suspek ang isang isang ballpen, cellphone, dalawang bond paper na listahan ng taya, telebisyon, remote control at P500 halaga sa magkakaibang denominasyon. (ALAIN AJERO)
