BULACAN – Umabot sa 1,185 katao ang nadakip ng pulisya sa ipinatutupad na health protocols laban COVID-19 sa lalawigan.
Base sa report ni P/Col. Lawrence Cajipe, Bulacan Police director, kabilang din sa nadakip ng mga awtoridad ang 13 sugarol sa ikinasang anti-illegal gambling operation ng Meycauayan PNP at Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) sa Barangay Lawa, Meycauayan City at Sapang Palay, San Jose del Monte City.
Samantala sa 1,185 protocol violators na nasakote ng Bulacan PNP sa tatlong siyudad at 21 bayan, dalawang citation tickets ang inisyu dahil sa paglabag sa liquor ban, 79 ang natiklong curfew violators at 1,104 ang lumabag sa minimum health protocol dahil sa hindi pagsusuot ng face mask, face shield at hindi pagsunod sa social distancing.
Pinatindi ng Bulacan PNP ang kampanya laban sa kriminalidad gayundin ang pagpapatupad ng health protocol para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa lalawigan. (GINA BORLONGAN)
201
