NASAGIP ang isang 12-anyos na hostage mula sa isang lalaking armado ng patalim noong Biyernes ng gabi sa Caloocan City.
Arestado naman ang suspek na kinilalang si Anthony Soriano y Ramos, 32, binata, ng Mapulang Lupa, Pandi, Bulacan.
Ayon sa ulat, dakong alas-7:15 ng gabi, nakatanggap ng tawag sa telepono ang pulisya mula sa isang concern citizen hinggil sa hostage taking sa C3 Road, Barangay 14, Lungsod ng Caloocan.
Mabilis na nagresponde ang mga awtoridad at sa gitna ng negosasyon ay nakasilip ng pagkakataon ang isang pulis na maagaw ang hawak na patalim ni Soriano na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto at matagumpay na nasagip ang biktima.
Natapos ang hostage drama bandang alas-8:10 ng gabi. Dinala ang biktima sa Caloocan City Medical Center para sa medical examination habang ang suspek ay isinailalim sa pisikal na pagsusuri at pagkatapos ay binitbit sa Caloocan City Police Station para sa pagsisiyasat. (ALAIN AJERO)
186 