SUMUKO ang labindalawang dating miyembro ng mga violent extremist group bitbit ang kanilang 12 armas, habang 14 pang loose firearms ang ipinasa ng mga residente mula sa limang bayan ng Maguindanao del Sur, na may kabuuang 26 baril na nakolekta sa ilalim ng mga programa ng pamahalaan.
Pinangunahan ng 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion, 6th Infantry (Kampilan) Division, Philippine Army, ang aktibidad noong Nobyembre 19, 2026, sa ilalim ng Balik-Loob Program at Small Arms and Light Weapons Management Program (SALWMP).
Nagmula ang mga sumukong dating miyembro at mga isinukong baril sa mga bayan ng Datu Abdullah Sangki, Datu Saudi Ampatuan, Shariff Aguak, Ampatuan at Datu Unsay.
Pormal na ipinrisinta ni Lt. Col. Loqui O. Marco, commanding officer ng 90th Infantry Battalion, kay Brig. Gen. Gremel B. Brual, Commander ng 601st Brigade, ang mga sumukong dating miyembro ng armadong grupo, kasama ang kanilang mga armas at ang iba pang loose firearms, sa seremonyang ginanap sa headquarters ng 90IB.
Binigyang-diin ni Brig. Gen. Brual ang kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan ng militar, mga lokal na pamahalaan at mga komunidad upang maisulong ang kapayapaan at mabawasan ang bilang ng mga loose firearms sa lugar.
Ayon kay Brual, nagpapakita ang kusang pagsuko ng mga dating miyembro ng armadong grupo at ng kanilang mga armas na may pagkakataon silang magbago at makabalik sa mapayapang pamumuhay.
Tiniyak din niya na patuloy na makikipagtulungan ang 601st Brigade sa mga lokal na pamahalaan, kapulisan at mamamayan upang mapanatili ang seguridad at kapayapaan sa lugar, at bukas ang kanilang hanay sa mga nais sumuko at magbagong-buhay.
Samantala, pinuri ni Maj. Gen. Edgar L. Catu, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, ang 90IB, 601st Brigade, mga katuwang na ahensya at lokal na pamahalaan sa Maguindanao del Sur dahil sa matagumpay na koordinasyon at aktibong suporta sa mga programa para sa kapayapaan.
Ayon kay Catu, tagumpay ito ng buong komunidad at patunay ng kahalagahan ng whole-of-nation approach, kung saan sama-samang kumikilos ang militar, mga ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan at mamamayan.
Binigyang-diin din niya na mahalagang ambag sa pangmatagalang kapayapaan ang bawat pagsuko ng dating miyembro ng armadong grupo at bawat armas na naaalis sa sirkulasyon.
Katuwang sa aktibidad ang Provincial Government of Maguindanao del Sur, Maguindanao del Sur Police Provincial Office, Ministry of Peace, Order and Safety (MPOS)-BARMM, National Intelligence Coordinating Agency Region XII, mga lokal na pamahalaan at iba pang institusyon.
Bahagi ang aktibidad ng patuloy na pagsisikap ng 6ID/JTFC na suportahan ang mga programa ng pamahalaan sa peacebuilding, conflict prevention at community development sa Central at South-Central Mindanao.
(JESSE RUIZ)
55 