PATAY ang dalawang hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad noong Martes ng gabi sa Barangay Bataan, San Juan, Batangas.
Ayon sa ulat ng Mimaropa Police Regional Office, sinusundan ng mga operatiba ng Regional Intelligence Division ang mga suspek na lulan ng isang tricycle nang magpaputok umano ang mga ito.
Gumanti ng putok ang mga awtoridad na naging dahilan ng engkwentro sa Laiya-San Juan Road.
Isa sa mga napatay ay residente ng Lobo, Batangas.
Sugatan din ang ikatlong suspek na nakatakas matapos ang palitan ng putok.
Ayon sa pulisya, may mga warrant of arrest ang mga suspek sa kasong murder at paglabag sa Anti-Terrorism Act na inisyu ng korte sa Mindoro.
Patuloy ang hot pursuit operation ng mga awtoridad para matunton ang nakatakas na suspek.
(NILOU DEL CARMEN)
71 