BULACAN – Umabot na sa 12 katao ang namatay habang pumalo naman sa 28 ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa buong lalawigan.
Nabatid na 13 lungsod at munisipyo ang mayroong naitalang kaso ng COVID-19, kabilang ang mga lungsod ng San Jose Del Monte, Malolos at Meycauayan, mga munisipalidad ng Sta. Maria, San Miguel, Marilao, Pulilan, Calumpit, San Ildefonso, Bulakan, Guiguinto, Baliwag at Pandi.
Sa update report ng Provincial Health Office (PHO) noong Lunes ng hapon, lima ang nadagdag mula sa pito lamang na death cases at ang mga ito ay isang 32-anyos na babae mula sa City of San Jose del Monte; isang 55-anyos na lalaki mula sa San Miguel town; isang 76-anyos mula sa bayan ng Santa Maria; isang 60-anyos at 59-anyos na kapwa lalaki na pawang mula naman sa City of Malolos.
Sampung bagong kaso naman ng nasabing nakamamatay na virus ang nadagdag na umabot na sa kabuuang 28 COVID-19 cases noong Lunes ng hapon.
Mayroon ding 271 active persons under investigation (PUIs) at 110 cleared PUIs habang 1,808 persons under monitoring (PUM) at 1,720 cleared PUM.
Patuloy ang panawagan ni Bulacan Governor Daniel Fernando sa mga Bulakenyo na manatili sa kanilang mga tahanan at hintayin ang second batch ng relief supplies mula sa provincial government na dadalhin ng mga tauhan ng Provincial Social Welfare and Development Office at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office kaugnay ng isinasagawang coronavirus disease enhanced community quarantine Luzon-wide na nasa ikatlong linggo na dulot ng COVID-19 disease. (ELOISA SILVERIO)
440
