IPINAAALIS ng mga militanteng mambabatas sa Kamara ang 12% value added tax (VAT) sa liquefied petroleum gas (LPG) at mga produktong petrolyo na patuloy na nagpapahirap sa mga consumer.
Kinalampag din ng Makabayan bloc ang liderato ng Kamara na aksyunan na ang kanilang panukalang batas na mag-aalis sa nasabing dagdag buwis. Kasunod na rin ito ng sunod-sunod na oil price increase at maging sa LPG.
Himutok ng grupo ng mga mambabatas, noon pang July 1, 2019 nila inihain ang House Bill (HB) 481 subalit kahit isang pagdinig ay hindi pa ginawa ng House committee on energy na pinamumunuan ngayon ni Pampanga Rep. Mikey Arroyo.
“Dapat tanggalin ang 12 percent Value Added Tax sa mga produktong petrolyo para maibsan ang epekto ng malakihang taas-presyo sa LPG at langis ngayong linggo,” ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.
Malaking bagay anila ang pagtanggal ng 12 percent VAT dahil makatitipid ang mga konsyumer ng mahigit P100 sa kada tangke ng gasul, lalo’t papalo sa P1,000 kada tangke ang presyo ng LPG kasunod ng 2 tranche ng taas-presyo.
Lalo anilang mahihirapan ang mga ginang ng tahanan sa pagbabadyet ng kanilang kokonting income dahil sa pagtaas ng presyo ng LPG at mga produktong petrolyo.
“Tiyak din na lalong sisipa ang inflation rate o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin ngayong Oktubre. Nasa 4.9 percent na ang inflation rate nitong Agosto, pinakamataas sa loob ng mahigit 2 taon,” ayon pa sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)
