CAVITE – Nasagip ang 13 pasahero, kabilang ang ilang bata, makaraang tumaob ang sinasakyan nilang bangka dahil sa malakas na hampas ng alon sa bayan ng Ternate sa lalawigan noong Linggo ng umaga.
Tumangging magpadala sa ospital ang 13 pasahero ng FBCA Lord John dahil maayos na umano ang kanilang kalagayan.
Ayon sa ulat, bandang alas-11:20 ng umaga nang magkayayaan ang grupo ni alyas “Menard” na mag-boat trip sakay ng motorized banca na pagmamay-ari ng pamilya nito
Mula sa baybayin ng Tanza, Cavite, nagsimulang mag-boat trip ang mga ito hanggang sa nakarating sa baybayin ng Ternate, Cavite sakop ng Brgy. San Jose 1.
Ngunit pagdating sa pinangyarihan ng insidente nang bumulaga sa kanila ang isang malakas na hampas ng alon dahilan upang tumaob ang bangka at tumilapon ang mga pasahero nito.
Nakatulong umano ang pagsusuot ng life jacket ng mga pasahero na nagtulong-tulong na ibalik sa ayos ang tumaob na bangka habang inuna ang mga batang isakay.
Mabilis din ang pagresponde ng mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) at dinala sa kanilang base sa Barangay San Jose, Ternate, Cavite ang mga pasahero at nilapatan ng first aid.
Gayunman, tumanggi silang magpadala sa ospital at tiniyak nilang nasa mabuti silang kalagayan.
(SIGFRED ADSUARA)
4
