CAVITE – Patay ang isang 15-anyos na binatilyo nang pagsasaksakin ng kasing edad nitong miyembro ng gang nang magpang-abot ang dalawa sa isang kalye sa bayan ng Silang noong Huwebes ng gabi.
Isinugod sa University Medical Center sa Dasmariñas City ang biktimang si “Ushaine”, ng Brgy. Ipil 1, Silang, Cavite subalit idineklarang dead on arrival dahil sa tama ng saksak sa dibdib.
Tinutugis naman ng pulisya ang suspek na si alyas “Mark”, 15, ng Brgy. Ipil 1, Silang, Cavite na tumakas matapos ang insidente.
Ayon sa ulat, naglalakad ang biktima at mga barkada nito bandang alas-9:30 ng gabi malapit sa Bulihan Slight Services Project Elementary School, Brgy. Ipil 1, Silang, Cavite nang bulyawan siya ng suspek na humantong sa mainitang pagtatalo.
Naglabas umano ng patalim ang suspek at walang sabi-sabing pinagsasaksak sa dibdib ang biktima hanggang sa natumba ito.
Tumakas ang suspek habang ang biktima ay isinugod sa ospital subalit idineklarang dead on arrival.
Nabatid na ang biktima at suspek ay may kanya-kanyang grupo ng gang na umano’y magkaaway.
(SIGFRED ADSUARA)
