NAKABALIK na sa Maynila kahapon ng umaga ang 15 Filipino seafarers na nasagip mula sa lumubog na Singaporean-flagged cargo vessel na MV Devon Bay sa karagatang malapit sa Bajo de Masinloc.
Dumating ang mga crew bandang 5:00 ng umaga sa Port Area, Maynila sakay ng BRP Teresa Magbanua ng Philippine Coast Guard (PCG). Sakay rin ng barko ang dalawang nasawing seaman.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, maayos ang naging koordinasyon sa pagitan ng PCG at China Coast Guard sa search and rescue operations.
“Ang buhay ng tao ay mahalaga. It knows no border,” ani Gavan.
Nauna nang sinabi ng Chinese Embassy na 17 Filipino crew ang nailipat pabalik sa Pilipinas, habang apat pa ang nawawala, kabilang ang kapitan ng barko na si Captain Elimar Jucal.
Hinala ng PCG na sanhi ng paglubog ng MV Devon Bay ang liquefaction ng kargang 55,000 toneladang nickel ore, na nagdulot ng paglipat ng bigat ng barko sa gitna ng masamang panahon.
Patuloy ang search and rescue operations para sa apat na nawawala.
“Hindi po tayo mawawalan ng pag-asa,” ani Gavan, kasabay ng pagpuri sa kabayanihan ng kapitan na huling umalis sa barko matapos mag-utos ng abandon ship.
(JESSE RUIZ)
3
