NAGTALA ng 15 namatay sa COVID-19 ang CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area noong Mayo 19, nabatid sa health offices ng nasabing mga lungsod.
Ayon sa ulat, sampu ang namatay sa Caloocan at 1,169 ang active cases. Pumalo na sa 29,962 ang total confirmed cases sa lungsod, kung saan 27,929 na ang gumaling at 864 ang namatay.
Samantala, dalawa ang binawian ng buhay sa Navotas City at 154 ang active cases sa lungsod makaraang 24 ang nagpositibo at 20 ang gumaling. Sumampa na sa 10,742 ang tinamaan ng COVID sa lungsod kung saan 10,236 na ang gumaling at 352 ang namatay.
Dalawa rin ang namatay sa Valenzuela City at 515 ang active cases sa siyudad matapos na 105 ang gumaling at 212 ang nagpositibo sa virus. Umakyat na sa 19,020 ang confirmed cases sa siyudad, kung saan 18,028 ang recovered cases at 477 ang namatay.
Isang COVID patient naman ang namatay sa Malabon City at pumanhik na sa 434 ang COVID death toll sa siyudad. Habang 30 ang nadagdag na confirmed cases at sa kabuuan ay 12,888 na ang positive cases sa lungsod, 259 dito ang active cases.
Umabot naman sa 13 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling at sa kabuuan ay 12,195 na ang recovered patients ng Malabon City. (ALAIN AJERO)
