APRUBADO kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang plano ng Land Transportation Office (LTO) na sumailalim ang lahat ng aplikante sa student permit ng 15-oras na theoretical session bilang prerequisite sa pagbibigay ng naturang dokumento.
Sa pahayag, sinabi ni Dela Rosa, chairman ng Senate committee on Public Order and Dangerous Drugs na suportado niya ang pagkilos ng LTO upang maituro ang disiplina at kinakailangang driving skill sa mga bagong drayber na makapagliligtas ng buhay sa lansangan.
Nitong Marso, pinangunahan ni Dela Rosa ang pagdinig ng kanyang komite, sa tulong ng pagsasabatas, na suriin ang kaso ng aksidente sa lansangan na kinasasangkutan ng mga lasing at nakadrogang drayber kasunod ng insidente sa Poblacion, Makati kung saan namatay si Jules Villapando, isang 13 year old grade 8 student, at sugatan naman ang pito pang mag-aaral nang suyurin sila ng sasakyan.
“We support this laudable effort by the LTO requiring student permit applicants to undergo a 15-hour theoretical session,” ayon kay Dela Rosa sa statement.
“This will instill discipline and ensure that our drivers are well educated on road signs and regulations. Mas magiging ligtas ang ating mga kalsada at makakapag-save tayo ng napakahalagang buhay ng pedestrians at maging ng drivers mismo,” dagdag niya.
Kamakailan, sinuspinde ng LTO ang pagbibigay ng student permit habang naghahanda ang ahensiya na ipatupad ang mandatory theoretical driving course na kailangan ng aplikante simula sa Agosto sa susunod na taon. (ESTONG REYES)
