ISA ang nasawi sa labinglimang insidente ng stray bullet ang naitala ng Philippine National Police kaugnay sa yuletide celebration.
Inihayag ni PNP acting chief, Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. na nakapagtala sila ng 15 kaso ng ligaw na bala mula Disyembre hanggang nitong Lunes, sa pagtatapos ng holiday season.
Kabilang sa mga lugar na may naitalang kaso ng indiscriminate firing at stray bullet incidents, ang National Capital Region, Central Luzon, Calabarzon, Central at Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao, Soccsksargen, at Bangsamoro regions.
Nabatid na sa loob ng nasabing mga insidente ay isang tao ang nasawi sa nasasakupan ng National Capital Region (NCR) habang may tatlo katao ang nasugatan sa area ng Calabarzon, Davao, at Bangsamoro.
Hindi pa kasama sa nasabing ulat ang tatlong kaso ng indiscriminate firing sa Northern Luzon na ikinasugat ng dalawang lalaki.
Samantala, patay naman ang isang lalaki habang nakikipag-inuman sa Barangay 120 sa Tondo, Manila, bagong mag-Noche Buena nang mahagip ito ng ligaw na bala.
Ayon kay Nartatez, patuloy ang pagsisiyasat sa nasabing mga kaso.
Nabatid na may 18 cases ng indiscriminate firing na naitala ang PNP mula sa NCR, Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Bicol, Western Visayas, Northern Mindanao, Caraga, Cordillera, at Negros Island regions.
Dalawa ang nasugatan sanhi ng indiscriminate firing sa Western Visayas at Cordillera regions.
Habang 19 katao naman kabilang ang apat na pulis, ang inaresto dahil sa pagpapaputok ng baril nitong panahon ng kapaskuhan.
(JESSE RUIZ)
42
