15% TARIFF: MALING PARAAN NG PAGTUGON SA KRISIS SA BIGAS – IMEE

BINANATAN ni Senator Imee Marcos ang pagbaba ng taripa sa bigas na isang maling konsepto upang matugunan ang krisis sa bigas.

Sa pagdaraos kahapon ng 2nd National Assembly and Unification Summit PolPHIL Party (People’s Progressive Humanist Liberal Party), inihayag ni Sen. Marcos ang pagpuna sa hakbangin ng Department of Agriculture sa pagdagsa ng imported na bigas nang ibaba ang taripa nito sa 15 porsyento mula sa 35 porsyento.

Paano makakaagapay ang magsasakang Pilipino dahil pinayayaman pa natin ang Vietnamese at Pakistani samantalang pinupulubi natin ang Pilipinong magsasaka, paalala ni Marcos.

Pinapalagay ng mga economic manager na ang pagbabawas ng taripa ay maaaring humantong sa pagbaba ng humigit-kumulang PHP5-PHP7 kada kilo ng bigas.

Mababatid na ang Vietnam bilang nangungunang supplier ng bigas (2.61 milyong MT) sa bansa, na sinundan ng Thailand (416,185.19 MT) at Pakistan (157,564.48 MT). Nagpadala ang India ng 76,971 MT ng mga butil.

“Ngayon nag-iba naman hakbangin ang DA, ang dami-daming ipinalabas nitong presyo na may P29, may P39 at naglabas pa sila ng SRP (suggested retail price) na P59. Ang dami-daming presyo na ipinalabas ay lalong nalilito ang konsyumer at sinabi pa ng national food authority na ang aging stock ay nakahanda nitong ibenta sa mababang presyo, kakarampot lang yun nasa 300,000 tons lang yun,” saad ni Marcos.

Inaasahang tataas pa ang importasyon ng bigas ng Pilipinas sa 4.9 milyon MT sa 2025 dahil sa “mas maliit na pananim” na inihahatid ng mga lokal na sakahan.

“Maagrabiyado ang lokal na magsasaka mula sa tone toneladang bigas na papasok ngayong taon habang ang mga magsasaka ay magsisimula pa lang mag-ani. Kaya kinatatakutan natin ang dinagsa ng imported rice,” saad ni Marcos.

Sa Pilipinas, ang palay ay karaniwang inaani tuwing Abril at Mayo, ngunit ang eksaktong mga buwan ay nakadepende sa rehiyon at sa panahon.

Sa datos ng DA, sa pagpapanatili ng bansa ng matatag na suplay ng bigas ay kailangan ang 3.83 milyong metriko tonelada sa pagtatapos ng 2024, sapat na upang masakop ang pagkonsumo sa loob ng 100 araw.

Binigyang-diin ni Marcos na malawak pa ang mga irrigable na lupain na hindi pa nagagalaw, na nagdudulot ng panganib sa produksyon ng bigas lalo na sa harap ng pabago-bagong klima.

Bagama’t may pondo, mabagal ang paggasta ng NIA na nagiging sanhi ng pagkaantala sa mga proyekto sa irigasyon.

Pinayuhan niyang gamitin ang pondo mula sa ibang bansa at climate change financing upang mapabilis ang mga proyektong makakatulong sa suplay ng bigas ng bansa.

Ang PolPHIL ay isang organisasyon ng kasalukuyan at dating mga punong kawani sa iba’t ibang antas ng gobyerno, mga manggagawang pangkaunlaran, mga tagapagtaguyod at tagabuo ng bansa na determinadong magdala ng pagbabago sa takbo ng lokal at pambansang kaunlaran.

1

Related posts

Leave a Comment