TINIYAK ng Department of Interior and Local Government (DILG) na susunod nang hihimas ng rehas ang mga ‘big fish’ sa multi-billion peso flood control scandal at wala umanong ‘La Catedral’ o VIP treatment sa bagong detention facilities ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
“Big fish are coming soon. Expect the Discayas, senators, congressman in the next five weeks sunod-sunod na sila. Walang La Catedral dito, i-treat sila kagaya ng karamihan,” babala ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
Ayon sa kalihim, tatlo pang akusado sa Oriental Mindoro flood control case na kasalukuyang nasa abroad ay inaasahang magre-report sa mga embahada ngayong linggo. Kabilang sa mga ito sina:
Aderma Angelie D. Alcazar, Sunwest President at Board Chairperson; Cesar X. Buenaventura, Sunwest Treasurer at Board Member; at Montrexis T. Tamayo, OIC-Chief Planning and Design, DPWH-Mimaropa (4B).
“As of last information, their counsels said they will report to their embassies within this week,” sabi ni Remulla habang sinisilip ang mga kulungang inilaan sa New Quezon City Jail sa Payatas.
Noong Lunes, tuluyan nang kinustodiya ng BJMP ang pitong naarestong suspek, apat na buwan matapos mabunyag ang anomalya. Umaasa ang DILG na mahuhuli na rin ang malalaking pangalan at pagsasama-samahin sa iisang selda.
Kasalukuyang nakapiit sa New Quezon City Jail (Male Dormitory) sa Payatas: Gerald Pacanan, Gene Ryan Altea, Ruben delos Santos Jr., Dominic Serrano, Felisardo Casuno, Juliet Calvo, at Engr. Dennis Abagon.
Habang ang isang babae na si Lerma Cayco ay nakakulong sa Camp Karingal Female Dormitory.
Nahaharap sila sa plunder, anti-graft violations, at indirect bribery sa Sixth at Seventh Divisions ng Office of the Ombudsman. Isa lang sa mga suspek ang pinayagang magpiyansa dahil falsification of documents lang ang kaso nito.
Binigyan ni Remulla ng deadline hanggang Huwebes ang mga suspek na nasa United States at Qatar na sumuko na sa pinakamalapit na embahada.
Pulong sa Palasyo
Sa Malacañang, nakipagpulong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga opisyal na nagpapatupad ng mga warrant of arrest laban sa mga sangkot sa flood control anomalies.
Dumalo sa pulong sina DILG Secretary Jonvic Remulla, Acting DOJ Secretary Fredderick Vida, PAOCC Executive Director Benjamin Acorda Jr., Acting PNP Chief PLt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., at NBI-OIC Angelito Magno.
Sa isang video message, sinabi ng Pangulo na pito sa 16 na akusado ay nasa kustodiya na. Hinikayat niya ang iba — kabilang si Zaldy Co — na sumuko na, at binantaan ang sinomang magtatago sa kanila: “Maari rin kayong managot sa batas.”
Itinulak ni Marcos ang imbestigasyon sa kanyang SONA noong Hulyo 28, at nilagdaan ang EO No. 94 noong Setyembre 11, 2025 upang likhain ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na tututok sa mga iregularidad sa flood control projects.
Intensified Manhunt
Mas pinaigting ng Philippine National Police ang operasyon laban sa mga akusado sa P289-M flood control project sa Oriental Mindoro.
Babala ni Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.: ang pagtatago o pagkakanlong sa mga akusado ay obstruction of justice.
“Huwag n’yo na pong tulungan ang mga nagtatago. Kung mahal n’yo sila, mahalin n’yo ang inyong sarili,” dagdag pa ni Secretary Remulla.
Ang DPWH official na si Dennis Abagon, OIC ng DPWH Quality Assurance at Bids and Awards Committee member, ay naaresto sa isang apartment sa Quezon City na pag-aari umano ng Bansud, Oriental Mindoro Vice Mayor Alma Mirano.
Paglilinaw naman ni Mirano: umuupa lang si Abagon, at hindi niya ito personal na kausap.
(JESSE KABEL/CHRISTIAN DALE)
19
