CAVITE – Patay ang isang 16-anyos na lalaking estudyante matapos araruhin ng isang jeepney na palabas sa isang mall at umano’y nawalan ng preno sa Dasmariñas City noong Martes ng hapon.
Kapwa isinugod sa Pagamutan ng Dasmariñas ang biktimang si Renz Jether A. Matias, 16, ng Brgy. H2, Dasmariñas City, at Rene Lohera, helper, ng Brgy. Burol 1, Dasmariñas City, subalit namatay habang nilalapatan ng lunas si Matias.
Kinilala naman ang driver ng isang jeepney na may plakang DNK 214, na si Zaldy Bago y Digma, 43, ng Alfonso, Cavite, at isa pang Rebuilt Jitney na may plakang DVY 908, na minamaneho ni Danilo Lusanta y Aregio, 59, ng Brgy. Fatima 2, Dasmariñas City.
Ayon sa ulat ni Police Staff Sergeant Apolonio Narte ng Dasmariñas City Police, dakong alas-4:00 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Congressional Road, Brgy. Burol 1, Dasmariñas City.
Galing ang minamanehong jeepney ni Bago mula sa ikatlong palapag ng ng isang hypermarket at pababa nang umano’y mawalan ng kontrol sa kanyang manibela at dire-diretso bumangga sa center island na pag-aari ng LGU Dasmariñas.
Dumiretso pa ang nasabing jeepney sa kalsada at nahagip ang estudyante na noon ay naglalakad sa lugar habang ang helper ni Bago ay nahulog naman mula sa jeepney.
Isa pang jeepney na paparating na may plakang DVY 908 na minamaneho ni Lusanta, at patungo sa direksiyon ng DBBF, ang bumangga naman sa jeepney ni Bago.
Mabilis na isinugod ang mga biktima sa ospital subalit namatay habang nilalapatan ng lunas 16-anyos na binatilyo.
(SIGFRED ADSUARA)
