MULA nang mag-umpisa ang pandemya, higit sa 1,600 empleyado ng gobyerno na ang naitalang nasawi makaraang mahawahan ng nakamamatay na COVID-19, batay na din sa pinakahuling datos mula sa Civil Service Commission (CSC).
Pag-amin ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE), lubos silang nalulungkot sa pagpanaw ng mga manggagawa sa pampublikong sector, lalo pa’t pwede naman anilang maiwasan ito kung naging maayos ang pagtugon ng pamahalaan sa national health emergency.
Anila, hindi sana umabot sa ganung bilang ang mga nasawi sa kanilang hanay kung pinakinggan ng pamahalaan ang kanilang panawagan para sa malawakang libreng mass testing at treatment, pagbili ng mas maraming Personal Protective Equipment (PPE) para sa mga frontliners at tamang kompensasyon sa mga nagtatrabaho sa pampublikong sector, particular yaong mga frontliners.
“The thousands of government employees infected and lost amid the pandemic are testaments to the poor provision of PPEs and support,” ayon sa pahayag ng COURAGE.
Isa din anilang malinaw na patunay ng “betrayal of public trust” ng mga namumuno sa Department of Health ang report ng Commission on Audit (COA) hinggil sa depekto sa P67.32 bilyong halagang transaksyon ng nasabing kagawaran patungkol sa pandemya. (RENE CRISOSTOMO)
135 