NASAGIP ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 168 pasahero ng isang barko na sumadsad sa karagatang sakop ng Romblon.
Ang MV SWM Salve Regina na sakay rin ang 55 crew members at 11 rolling cargoes, ay sumadsad sa Sito Agbuyog, Barangay Capaclan Romblon, Romblon dakong alas-11:45 noong Linggo ng gabi.
Umalis ito sa Magdiwang Port sa Romblon, at patungong Romblon, Romblon nang mangyari ang insidente, ayon sa PCG.
Matapos malaman na may sumadsad na barko, nakipag-ugnayan ang Coast Guard Station Romblon sa lokal na mga awtoridad para ilunsad ang ligtas na paglikas sa mga pasahero, na ang lahat ay nasa mabuting pisikal na kondisyon.
“All 168 passengers were safely brought to Romblon Public Plaza, while the 55 crew members, including the master of the ship, stayed at MV SWM REGINA for vessel monitoring,” pahayag ng PCG.
Wala namang ipinakikitang palatandaan ng oil spill ang sumadsad na passenger vessel.
(JOCELYN DOMENDEN/JESSE KABEL RUIZ)
