ISASAILALIM sa masusing imbestigasyon ng National Bureau of Investigation at ng Office of the Ombudsman ang rebelasyon ng 18 nagpakilalang dating sundalo na umano’y tauhan ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.
Kinumpirma ni NBI Director Jaime Santiago Matibag na iniimbestigahan na nila ang grupo matapos ang press conference kung saan nagbunyag ang mga ito ng seryosong akusasyon laban sa ilang opisyal at personalidad.
Ayon kay Matibag, kailangang busisiin ang kredibilidad ng mga nagpakilalang ex-soldiers at alamin ang kanilang background upang matukoy ang bigat ng kanilang testimonya.
“May epekto ang kanilang pagkatao at kung may dati silang kaso na maaaring makaapekto sa kanilang pahayag,” diin ng opisyal.
Hinimok din ng NBI ang grupo na isumite ang kanilang joint affidavit para sa pormal na pagsusuri. Tiniyak nito na magiging balanse ang imbestigasyon.
Samantala, inihayag ng Ombudsman na aarangkada na rin ang hiwalay nilang pagsusuri sa 18 sundalo na umano’y naghatid ng maleta ng pera.
Kinumpirma ni Atty. Levito Baligod na notaryado at pirmado ang joint affidavit na isinumite sa Ombudsman. Binubuo ito ng dalawang dating miyembro ng Philippine Army at 16 dating miyembro ng Philippine Marines.
Base umano sa kanilang sinumpaang salaysay, naghatid sila ng maleta ng pera na galing kay Co at ipinamahagi sa ilang opisyal na pinangalanan sa affidavit.
(JOCELYN DOMENDEN/JULIET PACOT)
5
