CAVITE – Umabot sa 18 pamilya ang nawalan ng tirahan nang lamunin ng apoy ang kanilang bahay sa nangyaring sunog sa Dasmariñas City, noong Miyerkoles ng umaga.
Ayon sa ulat ng Dasmariñas Bureau of Fire Protection (BFP), bandang alas-8:30 ng umaga nang nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng isang bahay sa Blk. 209, Excess Lot, Pasalay Phase V, Barangay Paliparan 3, Dasmariñas City.
Mabilis na naglagablab ang apoy hanggang sa madamay ang katabing mga bahay na halos pawang yari sa light materials, at tuluyang naabo ang 13 pang kabahayan.
Ayon kay FCInsp John Frederick Castro ng BFP, bandang alas-10:30 ng umaga nang ideklarang fire-out ang sunog.
Wala namang iniulat na nasugatan sa insidente at inaalam pa kung magkano ang halaga ng pinsala at kung ano ang pinagmulan ng sunog. (SIGFRED ADSUARA)
