18 pulis na-COVID CAMP OLIVAS NI-LOCKDOWN

MAGING ang kapulisan sa Central Luzon partikular na sa Camp Julian Olivas – ang headquarters ng Police Regional Office 3 (PRO3) sa City of San Fernando, Pampanga ay hindi nakaligtas sa bagsik ng coronavirus disease (COVID-19) kaya isinailalim sa temporary lockdown ang kampo nitong Sabado ng gabi makaraang magpositibo ang 18 pulis at isang stay-in civilian.

Ayon kay PRO3 director BGen. Rhodel Sermonia, ang mga nasabing pulis na nakatalaga sa Camp Olivas at ang sibilyan na nakatira sa loob ng kampo ay nag-swab test noong July 27 at pawang
positibo ang resultang lumabas nitong Agosto 1.

Ang mga ito ay asymptomatic o hindi kinakitaan ng anomang sintomas ng COVID-19, ayon kay Sermonia.

“Our personnel including the civilian who have tested positive are now placed on strict quarantine and monitoring and are immediately transferred to our quarantine facility, we are also establishing the contact tracing including all our PNP and Non-uniformed personnel inside the camp as well as the families of those infected,” ani Sermonia.

Sinabi ni Sermonia na kasalukuyang naka-lockdown ang nasabing kampo para bigyan daan ang isasagawang 48-hour disinfection.

Nanawagan din si Sermonia sa publiko na patuloy sundin ang health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, observing physical distancing at madalas na paghugas ng mga kamay.

Nabatid pa na patuloy rin ang isinasagawang swab testing ng PNP Regional Health Service sa mga   suspected personnel. (ELOISA SILVERIO)

229

Related posts

Leave a Comment