SINO, o sinu-sino ang magnanakaw sa Commission on Audit (COA)?
Ito ang aalamin ng pamunuan ng COA makaraang mawala ang 181 “paintings” na nasa pangangalaga nito.
Ang COA ay ahensiyang “hiwalay” at nalaya” mula sa lahat ng kagawaran at tanggapan ng buong pamahalaan.
Nabuo ito upang siyasatin, imbestigahan at tukuyin ang mga proyekto, programa, ari-arian, subastang pinasok ng mga ahensiya ng pamahalaan at marami pang iba.
Ang COA ay isa rin sa mga ‘armas’ ng pamahalaan laban sa katiwalian, korapsyon at pandaramdong ng iba’t ibang mga opisyal at kawani ng pamahalaan.
Nakarating sa pamunuan ng COA na nakabase sa pangunahing opisina nito sa Quezon City, ang nawawalang 181 paintings nang matapos ang tinatawag nitong “physical inventory” sa “plant, property and equipment” ng ahensiya.
Ang pagsisiyasat ay isinagawa alinsunod sa ipinag-utos ng Government Auditing Code of the Philippines, ang batas ng bansa hinggil sa sistema ng auditing ng Pilipinas.
Nang matapos ang pagsisiyasat, nabatid ng mga auditor na 172 lang lahat ang paintings na nabilang ng property division ng COA.
Malayo ito sa 353 na siyang “opisyal” na kabuuang bilang na alam ng auditing team ng naturang ahensiya. (NELSON S. BADILLA)
263 