DUMALO bilang resource person si Dr. Chie Umandap sa pagdinig ng Senate Committee on Migrant Workers kaugnay ng panukalang Bagong Balikbayan Act na inihain ni Senador Raffy Tulfo.
Kinatawan ni Umandap ang sektor ng mga overseas Filipino workers (OFWs) upang ilahad ang kanilang mga pananaw at mungkahi hinggil sa reintegration program para sa mga Pilipinong manggagawang nagbabalik sa bansa.
Sa kanyang manifestation, binigyang-diin ni Umandap ang kahalagahan ng pagkakaroon ng komprehensibong reintegration program para sa OFWs, at hindi lamang umasa sa pagbibigay ng cash assistance.
Ayon sa kanya, mas makatutulong sa pangmatagalang kabuhayan ng mga OFW ang mga programang nagbibigay ng konkretong oportunidad sa negosyo at kabuhayan.
Iminungkahi ni Umandap ang pagkakaloob ng mga food truck–type livelihood program na maaaring gawing mobile coffee shop, mobile bakeshop, mobile meat and vegetable store, at iba pang katulad na negosyo na madaling patakbuhin at maaaring maging pangmatagalang kabuhayan ng mga nagbabalik na OFW.
Sinang-ayunan naman ni Senador Tulfo ang mungkahi ni Umandap. Binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng pagtatatag ng isang unified inter-agency reintegration office na magsisilbing pangunahing tanggapan na tutulong sa mga OFW sa kanilang pagbabalik at muling pagbangon sa bansa.
Idinagdag din ni Umandap ang panawagan para sa pagkakaroon ng malinaw na exit plan o contingency plan para sa mga OFW, lalo na sa mga nagtatrabaho sa mga bansang may mataas na panganib ng krisis o kaguluhan.
Ayon sa kanya, mahalagang maisama sa pagbuo ng naturang plano ang mga lider ng Filipino communities sa ibang bansa.
“Hindi ang repatriation ang hinihiling ng mga OFW sa Middle East, kundi isang malinaw na contingency o exit plan na ang mga FILCOM leaders ay kabilang sa pagpa-plano,” pahayag ni Umandap.
Inaasahang makatutulong ang mga mungkahing ito sa paghubog ng mas epektibong mga polisiya sa ilalim ng panukalang Bagong Balikbayan Act na layong palakasin ang suporta ng pamahalaan sa mga OFW bago, habang, at pagkatapos ng kanilang pagtatrabaho sa ibang bansa.
117 