TINUKOY na ng mga awtoridad ang 17 estudyante na hinihinalang sangkot sa hazing na nagresulta sa pagkamatay ng isang maritime student noong Linggo ng hapon sa Cavite.
Kinilala ang mga ito na sina John Verson Cabrera, Argie Rosal, Felix Martin Dala, John Ray Torrecampo, John Lee Tuliao, John Vincent Malipot, Neil Nicolas Rapatan, John Michael Jagonoy, Mark Kenneth Gonzaga Acelo (neophyte), Lar Sabilona, Sedan Manglanlan, alyas Mark, Gabriel Vergara, Bert Dela Cruz, Cedrick Salmon Bornea, Jose Marce Garcia at alyas Kenneth. Lahat ay mga estudyante na may edad 18 hanggang 19 anyos.
Sa isinagawang press conference, nanawagan si Jonvic Remulla, kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG), sa Tau Gamma Phi Fraternity na isuko ang mga nasabing estudyante bago pa sila maaresto ng mga awtoridad.
Kasama sa press conference sina PNP Chief Jose Melencio Nartatez at Cavite Provincial Director Ariel Red.
Umaasa si Remulla na makikipagtulungan ang pamunuan ng Tau Gamma Phi sa imbestigasyon.
Sa panig naman ng fraternity, sinabi ng kanilang tagapagsalita na kinokondena nila ang naganap na karahasan at nagpahayag ng pakikiramay sa pamilya ng biktima.
Matatandaang unang dinala sa General Trias Medicare Hospital ang biktimang si Mark Kenneth Alcedo, maritime student ng Philippine Nautical and Technological College.
Una itong iniulat na biktima ng hit-and-run, ngunit matapos suriin ng doktor ay napag-alamang biktima ito ng hazing dahil sa mga pasa at sugat sa katawan.
Sumuko na rin ang isa sa mga suspek na si John Michael Jagonoy at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 11053.
(SIGFRED ADSUARA)
81 