188 PAMILYA HOMELESS SA SUNOG SA BULACAN

BULACAN – Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na tumupok sa mga kabahayan kung saan 188 pamilya ang nawalan ng tirahan, sa Sitio Bukid, Barangay Tabing Ilog, sa bayan ng Marilao sa lalawigang ito, noong Huwebes ng tanghali.

Base sa panimulang imbestigasyon, nagsimula ang sunog bandang alas-12:15 ng tanghali at idineklarang fire-out bandang alas-3:00 ng hapon at 23 firetrucks ang nagresponde sa insidente.

Ang mga kabahayang nasunog ay pawang yari sa light materials kung kaya’t mabilis na kumalat ang apoy.

Ayon kay Mayor Ricky Silvestre, inilikas ang mga nasunugan sa Marilao Convention Center at binigyan ng pagkain.

Wala namang iniulat na namatay o nasugatan sa nasabing sunog habang patuloy na isinasagawa ang imbestigasyon upang mabatid kung ano naging sanhi ng insidente.

Samantala, bandang alas-6:00 ng gabi, agad tinungo ni Governor Daniel Fernando ang mga nasunugan sa evacuation center kasama ang mga kinatawan ng Provincial Social Welfare and Development Office at dinalhan ng ayuda ang mga biktima.

Ipinag-utos din ng gobernador ang agarang paglipat ng mga nasunugan sa Marilao Central School upang maiwasan ang physical contact dahil maliit lamang ang evacuation center kung saan unang dinala ang mga nasunugan.

Ayon kay Fernando, agad nagbigay ang provincial government ng isang kabang bigas sa bawat pamilyang nasunugan at P10,000 bawat pamilya para sa severely damage na bahay at P5,000 naman sa partially damage.

Habang nasa evacuation area ang mga biktima ay binigyan muna sila ng paunang P2,500 bilang panggastos.

Tumanggap din ang fire victims ng face mask, face shields at vitamins. (ELOISA SILVERIO)

357

Related posts

Leave a Comment