WALANG ilulunsad na imbestigasyon ang Commission on Elections (Comelec) sa mahigit 1,000 sumbong ng vote-buying na natanggap kaugnay ng nakalipas na halalan. Ang dahilan – walang naglakas-loob na humarap sa komisyon para magpatunay sa mga alegasyon.
Pag-amin ni Comelec Commissioner Aimee Ferolino, nakapagtala ang kanilang Anti-vote-buying task force na ‘Kontra Bigay’ ng hindi bababa sa 1,000 sumbong. Gayunpaman, walang kalakip ng ebidensya at testimonya ang mga alegasyon.
“Many of the reported vote buying incidents na dinulog doon, takot naman mag-testify, o walang witness, o walang ebidensya,” ani Ferolina.
Hindi rin nila maaksyunan ang mga ipinadalang video ng aktuwal na bilihan ng boto dahil pawang walang kalakip ng detalye (pangalan at lugar) ang mga dapat sana’y matibay na ebidensyang magdidiin sa mga lumabag sa umiiral na batas kaugnay ng halalan.
Gayunpaman, may 49 sumbong na may kasamang ebidensya ang nasa proseso ng beripikasyon bago simulan ng naturang ahensya ang imbestigasyon.
“Kailangan namin sila hanggang matapos ‘yung kaso na posibleng i-file. And we have the PNP (Philippine National Police), we have people who will protect them. Sana ‘wag silang matakot,” pahabol ni Ferolino. (RENE CRISOSTOMO)
254 