PATAY ang pitong buwang sanggol at tatlong taong gulang na batang lalaki matapos umano silang gilitan ng sariling ina sa kanilang bahay sa Nabunturan, Davao de Oro.
Iniimbestigahan ngayon ng Philippine National Police kung dumaranas ng postpartum syndrome ang suspek o may iba pang pinagdadaanan.
Ayon kay Police Captain Jusi Belle Abellon, spokesperson ng Davao de Oro Police Provincial Office, natagpuang wala nang buhay ang magkapatid habang duguan naman ang ina na nagtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagsaksak sa sarili.
Sa inisyal na ulat ng Nabunturan Municipal Police Station, ang lolo ng mga bata ang nakadiskubre sa mag-iina na nakahandusay sa silid.
Nabatid na nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at kanyang live-in partner bago ang insidente. Umalis umano ang ama ng mga bata noong gabing iyon dahil may byahe bilang truck helper at kinabukasan na nadiskubre ang krimen.
Naisalba ng mga doktor ang ina matapos sumailalim sa operasyon at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
(JESSE RUIZ)
3
