SWAK sa selda ng Manila Police District ang dalawang babaeng hinihinalang tulak ng ilegal na droga makaraang makumpiskahan ng
P3.4 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Sta. Cruz, Manila noong Linggo ng hapon.
Kinilala ang mga suspek na sina Ainnah Salgan y Ali at Norhanna Canapia y Salgan, kapwa nasa hustong gulang.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Magno Gallora Jr., commander ng MPD- Binondo Police Station 11, bandang alas-2:00 ng hapon nang ilatag ng kanyang mga tauhan ang buy-bust operation sa isang sangay ng fastfood restaurant sa Bustos St. sa Sta. Cruz, Manila.
Isang tauhan ni P/Lt. Col. Gallora na miyembro ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), kaagapay ang ilang miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang nagpanggap na buyer at nang iabot ng isa sa mga suspek ang ilegal na droga ay dinampot ang mga ito ng mga awtoridad.
Nakumpiska sa mga suspek ang limang bulto ng umano’y shabu na nasa plastic sachet na umabot sa 500 gramo at nasa P3.4 milyon ang halaga.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Article II Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (RENE CRISOSTOMO)
