LAGLAG ang dalawang itinuturing na mga bigtime pusher sa isinagawang anti-narcotics operation ng Philippine Drug Enforcement Agency Sulu Provincial Office (PDEA‑SPO), katuwang ang mga pulis sa Barangay Canelar, Zamboanga City.
Ayon sa ulat na isinumite sa punong himpilan ng PDEA sa Quezon City, nagkasa ng buy-bust operation sa labas ng isang hotel noong Sabado na nagresulta sa pag-aresto sa dalawang indibidwal at pagkakasabat ng humigit‑kumulang 500 gramo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu na may tinatayang standard na halaga na P3,400,000.00.
Ayon kay Director III Bryan B. Babang ng PDEA‑SPO, ang magkakaugnay na pagsisikap ng PDEA RO 9‑Sulu Provincial Office, PDEA RO 9‑Regional Special Enforcement Team, PDEA RO 9‑Zamboanga City Office, RMFB 9 Technical Support Unit, 55 SAC 5SAB, at Zamboanga City Police Station 11 ay nagresulta sa pag-aresto kina alyas “Ben”, residente ng Pagadian City, at “Arnold”, mula sa Zamboanga City.
Ang anti-drug operation ay sinaksihan ng isang opisyal ng barangay at isang kinatawan ng media upang tiyakin ang integridad at halaga ng mga nakumpiskang ebidensya.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang resealable plastic bag na naglalaman ng puting kristalinang substansiya na hinhinalang shabu na may bigat na humigit‑kumulang 500 gramo (buy‑bust), ang buy‑bust money, isang android phone, isang Honda Civic, at iba pang non‑drug na ebidensya.
Isasampa sa mga suspek ang kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na may nakatakdang parusang habambuhay na pagkakakulong hanggang kamatayan at multang P500,000.00 hanggang P10,000,000.00.
(JESSE RUIZ)
91 