2 BIKTIMA NG TRUCK NA NAWALAN NG PRENO, PUMANAW

QUEZON – Dalawa ang kumpirmadong nasawi habang dalawa pa ang sugatan sa isang aksidente sa Maharlika Highway, sa bahagi ng Old Zigzag Road entrance sa Sitio Amao, Barangay Silangang Malicboy, sa bayan ng Pagbilao sa lalawigan noong Miyerkoles ng umaga.

Ayon sa ulat ng Pagbilao Police, nangyari ang insidente bandang alas-10:15 ng umaga matapos mawalan umano ng kontrol ang isang wing van truck na kargado ng feeds habang bumabagtas sa pababang bahagi ng kalsada mula south direction o Atimonan area patungong direksyon ng bayan ng Pagbilao.

Posible umanong nagkaroon ito ng problema sa preno. Dahil dito, diretsong bumangga ang truck sa isang multicab na nakahinto sa gilid ng kalsada at papasok sa Old Zigzag Road.

Sa lakas ng banggaan, nakaladkad ang multicab ng ilang metro at bumangga pa ang truck sa isang puno ng niyog bago tuluyang nahulog sa ilog at tumagilid.

Dead on the spot ang driver ng multicab dahil sa matinding pinsala sa ulo at katawan. Nasawi rin ang truck helper na naipit sa loob ng truck.

Sugatan naman ang driver ng truck at isang sakay ng multicab na agad isinugod sa Quezon Medical Center para sa gamutan.

Patuloy ang retrieval operations ng nagrespondeng mga tauhan mula sa Bureau of Fire Protection at MDRRMO habang iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente.

(NILOU DEL CARMEN)

84

Related posts

Leave a Comment